Naglo-load...

Paniniwala sa Allah (bahagi 1 ng 2): Ang Mga Kategorya ng Tawheed

Marka:

Deskripsyon: Ang konsepto ng Tawheed (monoteismo) ay nakatanim sa puso ng pagsaksi ng pananampalataya (Shahadah). Ang dalawang bahagi ng araling ito ay naglalayong magbigay sa mga mananampalataya sa natatangi nitong konseptong pinanghahawakan. Ang unang bahagi ay tumatalakay sa mga kategorya ng Tawheed.

Ni Imam Kamil Mufti

Nai-publish sa 29 Mar 2018 - Huling binago sa 27 Jul 2022

Nai-print: 104 - Nag-email: 0 - Nakakita: 15,431 (pang-araw-araw na average: 7)


Mga kinakailangan

·Isang Pambungad sa mga Haligi ng Islam at Mga Saligan ng Pananampalataya (2 bahagi)

Layunin

·Upang maunawaan ang mga kategorya ng Tawheed.

Arabikong Termino

·Tawheed – Ang Kaisahan at Katangi-tangi ng Allah tungkol sa Kanyang pagkaDiyos, Kanyang mga Pangalan at Katangian at sa Kaniyang karapatan na sambahin..

·Sunnah - ang salitang Sunnah ay maraming pagpapakahulugan depende sa sinasaklaw na usapin, subalit sa kabuuan tumutukoy ang salitang ito sa anumang naiulat na mga gawain, ginawa at pinahintulutang gawin ng Propeta.

·Shirk – isang salita na nagpapahiwatig ng pagtatambal sa Allah, o nagpapahiwatig ng kabanalan liban pa kay Allah, o paniniwalang ang pinagmumulan ng kapangyarihan, pinsala at pagpapala ay nagmumula sa iba bukod sa Allah.

Ang paniniwala sa Allah, ang tamang pangalan sa Arabik ng nag iisa at tanging Diyos, ay binubuo ng apat na bagay:

(a) Paniniwala sa pag-iral ni Allah.

(b) Ang Allah ay ang Panginoon.

(c) Ang Allah ay may karapatan sa pagsamba.

(d) Ang Allah ay kilala sa Kanyang mga Magagandang Pangalan at Katangian.

(a) Paniniwala sa Pag Iral ng Allah

Hindi kinakailangan na ang pag iral ng Allah ay mapatunayan sa pamamagitan ng siyentipiko, matematiko, o pilosopiko na mga argumento. Ang kanyang pag-iral ay hindi isang 'pagkatuklas' na gagawin sa siyentipiko na pamamaraan o isang teorya ng matematika na kailangang mapapatunayan. Ang bawat tao ay may likas na paniniwala sa Dakilang Lumikha. Ang paniniwala na ito ay hindi resulta ng pag-aaral o pansariling deduksyon. Ito ay mga impluwensya sa labas na nakakaapekto sa likas na paniniwala na nakakalito sa isang tao tulad ng sinabi ng Propeta:

“Walang anak, na hindi isinilang na may natural na paniniwala sa Allah, subalit ang kanyang mga magulang ang siyang nagnais na sila ay maging Hudyo, isang Kristiyano o isang Magian” (Saheeh Al-Bukhari, Saheeh Muslim)

Gayundin, ang karaniwang kaisipan ay nagpapatotoo sa pag-iral ni Allah. Mula sa isang barko malalaman na may taga-gawa ng barko, mula sa kosmos malalaman na may Lumalang nito. Ang pag-iral ng Allah ay malalaman din sa pamamagitan ng mga sagot sa mga panalangin, mga himala ng mga propeta, at mga katuruan sa lahat ng inihayag ng mga banal na kasulatan.

(b) Ang Allah ay ang Panginoon

Ang Allah ay ang tanging Panginoon ng kalangitan at kalupaan. Siya ang Panginoon ng pisikal na kalawakan at ang Tagapagbigay ng Pagbabatas para sa buhay ng tao. Siya ang Pinuno ng pisikal na mundo at Tagapangasiwa sa ugnayan ng mga tao. Ang Allah ay ang Panginoon ng bawat lalake, babae, at bata.

(i) Ang Allah ay ang bukod-tanging Panginoon at Tagapamahala ng pisikal na mundo. Ang terminong 'Panginoon' dito ay partikular na nangangahulugang Siya ang Tagapaglikha, Namamalakad; ang Kaharian ng langit at ng lupa ay bukod-tanging sa Kanya, at Siya ang nagmamay-ari nito. Siya lamang bukod tangi ang naglikha mula sa kawalan at ang lahat ay nakasalalay sa Kanya para sa kanilang pananatili at pagpapatuloy. Hindi niya nilikha ang sanlibutan at hinayaan ito na magpatuloy sa sarili nitong kaparaanan alinsunod sa mga nakatakdang pagbabatas at titigil sa pagpapatuloy ng anumang layunin dito. Ang kanyang kapangyarihan ay kinakailangan sa lahat ng panahon upang tustusan ang lahat ng mga nilalang. Ang mga nilikha ay walang ibang Panginoon maliban sa Kanya.

"Sabihin (O Muhammad): 'Sino ang nagkakaloob sa iyo mula sa kalangitan at sa kalupaan? O sino ang nagmamay-ari ng pandinig at paningin? At sino ang nagdudulot ng buhay mula sa mga walang buhay at nagdudulot ng kamatayan sa mga may buhay? At sino ang nagtatakda ng mga pangyayari? 'Sasabihin nila: 'Allah'. Sabihin: 'Hindi ba kayo natatakot sa kaparusahan ng Allah (dahil sa pagtatambal o pagsamba sa iba maliban pa sa Kanya)?" (Qur'an 10:31)

Siya ang magpakailanmang-masusunod na Hari at ang Tagapagligtas, ang Buhay na Diyos, na puno ng karunungan. Walang makapagpapabago ng Kanyang mga desisyon. Ang mga anghel, mga propeta, mga tao, at mga kaharian ng hayop at halaman ay nasa ilalim ng Kanyang pangangasiwa. Sa kasaysayan, ilang mga tao ang nagtatwa sa pagkakaroon ng Panginoon; Sa kasaysayan, iilan lamang ang tumanggi sa pag iral ng Panginoon, sa buong kapanahunan ng pagkakalikha, karamihan sa mga tao ay naniwala sa Isang Diyos, ang Nakahihigit sa lahat, isang hindi pangkaraniwan na Tagapaglikha.

(ii) Ang Allah ang bukod-tanging Tagapamahala sa ugnayan ng mga tao. Ang Allah ay ang Kataas-taasan na Tagapagbatas, ang Ganap na Hukom, ang Tagagawa ng batas, Ang naglilinaw mula sa mali. Katulad ng pisikal na mundo na sumusunod sa kanyang Panginoon, ang mga tao ay dapat magpasakop sa moral at matuwid na katuruan ng kanilang Panginoon, ang Panginoon na nagtatakda ng tama mula sa mali para sa kanila. Sa madaling sabi, ang Allah lamang ang may kapamahalaan na gumawa ng mga batas, matukoy ang mga gawain ng pagsamba, magpasya sa moral, at magtakda ng mga pamantayan ng pakikipag-ugnayan at pag-uugali ng tao. Sa Kanya ang lahat ng pagaatas:

“Siya lamang ang Bukod-Tanging Lumikha ng lahat at gayun din ang lahat ng Pag-aatas.” (Quran 7:54)

(c) Ang Allah ay may Karapatan sa Pagsamba

Ang Allah ay may tanging karapatan na sambahin sa panloob at sa panlabas, sa pamamagitan ng mga gawa at pagsasapuso. Hindi lamang na walang dapat sinasamba bukod sa Kanya, ganap na walang sinuman ang maaaring sambahin kasama Niya. Wala siyang katambal o kasama sa pagsamba. Ang pagsamba, sa kanyang komprehensibong kahulugan at sa lahat ng aspeto nito, ay para sa Kanya lamang.

"Walang tunay na diyos na karapat-dapat sambahin kundi Siya, ang Pinakamaawain, ang Pinakamahabagin." (Quran 2:163)

Ang karapatan ni Allah na sambahin ay hindi maaaring higitan. Ito ay ang mahahalagang kahulugan ng Laa ilaaha ill-Allaah. Ang isang di-Muslim ay pumasok sa Islam sa pamamagitan ng pagpapatotoo sa nag-iisang karapatan ng Allah upang sambahin. Ito ang pinakabuod ng Islamikong paniniwala sa Allah, kahit na sa kabuuan ng Islam. Ito ang sentrong mensahe ng lahat ng mga propeta at mga mensahero na ipinadala ng Allah. Malinaw Nilang ipinahayag:

“Sambahin ang Allah! Wala kayong ibang Diyos maliban sa Kanya.” (Quran 7:59, 11: 50, 23:32)

Ito ang sentro ng mensahe ni Abraham, Isaac, Ismael, Moises, mga Hebreong propeta, Jesus, at Muhammad, sumakanila nawa ang kapayapaan. Kung ang Allah lamang ang lumilikha, nagbibigay buhay at kamatayan, nagbibigay ng pagkain at seguridad, nagbibigay ng pandinig at paningin, kung gayon Siya lamang ang dapat sambahin.

Ang pagsamba sa Islam ay binubuo ng bawat kilos, paniniwala, pahayag, o damdamin ng puso. Ang Allah ay nag-papahintulot at nagmamahal, sa lahat ng nagdudulot sa isang tao na mas mapalapit sa Kanyang Lumikha. Kabilang dito ang lahat ng ipinaguutos ng Allah sa Quran o sa pamamagitan ng Sunnah ng Kanyang Propeta. Kasama dito ang 'panlabas' na pagsamba tulad ng mga pang-araw-araw na ritwal na panalangin, pag-aayuno, kawanggawa, at pilgrimahe gayundin sa 'panloob' na pagsamba tulad ng paniniwala sa anim na mga artikulo ng pananampalataya, paggalang, pagsamba, pag-ibig, pasasalamat, at pagsalig. Ang isang gawaing pagsamba ay hindi tatanggapin maliban kung ito ay sumangayon sa mga sumusunod:

(i) Ito ay isinagawa para lamang sa Allah at walang dapat makibahagi dito, kabilang ang kanyang sarili. Ang pagsamba ay hindi dapat gawin upang pagbigyan ang sariling pithaya, tulad ng pagtanggap ng papuri o pagpapakitang-tao. Ito ang kahulugan ng Laa ilaaha ill-Allaah.

(ii) Dapat itong umayon sa mga katuruan ni Propeta Muhammad. Dapat itong isagawa sa tamang paraan na inihalimbawa niya, nang walang anumang karagdagan o kukulangan. Ito ang implikasyon ng Muhammad Rasool-Allaah.

Ang Allah ay may karapatan sa lahat ng uri ng pagsamba, pagsamba ng katawan, kaluluwa, at puso. Hindi ito magiging kumpleto kung ito ay hindi nagmula sa paggalang at takot kay Allah, sa banal na pag-ibig at pagsamba, pagasam sa gantimpala ng Diyos, at labis na pagpapakumbaba. Ang pag-aalay - sa mga propeta, sa mga anghel, Jesus, Maria, rebulto, o sa kalikasan - ng bahagi ng pagsamba na laan lamang sa Allah ay itinuturing na Shirk ang pinakadakilang kasalanan sa Islam.

(d) Ang Allah ay Kilala sa Kanyang Magagandang Mga Pangalan at Katangian

Ang Allah ay kilala sa Kanyang Mga Magagandang Pangalan at Katangian na matatagpuan sa Quran at Sunnah, na hindi mapabubulaanan o maitatanggi ang malinaw na kahulugan, sa pag-iisip "kung paano," o ipaliwanag sa ganang kakayahan ng tao.

“at ang Allah ay nagtataglay ng mga Pinakamagagandang Pangalan, na kung kaya, humiling kayo sa Kanya sa pamamagitan ng mga Pangalang ito.” (Quran 7:180)

Samakatuwid, hindi angkop na gamitin ang Unang Sanhi, May-akda, Sangkap, Pagkamakaako, Ganap, Purong Ideya, Lohikal na Konsepto, Walang-Pagkakakilanlan, Walang Malay, Kaakuhan, Ideya, o Malaking Nilalang bilang mga banal na pangalan. Anumang pagnanais ninuman na hanapan ng pagpapatibay ang mga pangalan kay Allah ay dapat naaayon sa naipinahayag sa Quran o Sunnah.


Ang Mga Pangalan ng Allah ay nagpapahiwatig ng Kanyang pagiging perpekto at kalayaan mula sa mga kakulangan. Ang Allah ay hindi nakakalimot, natutulog o napapagod. Ang kanyang paningin, tulad ng lahat ng iba pang mga katangian, ay hindi katulad ng paningin ng tao. Siya ay makatarungan, at walang anak, ina, ama, kapatid, kasama, o katulong. Siya ay hindi ipinanganak at hindi nagkaanak. Siya ay hindi nangangailangan sapagkat Siya ay perpekto. Hindi niya kailangang maging katulad ng mga tao o maging tao upang "maunawaan" ang paghihirap ng tao. Ang Allah ay ang Makapangyarihan (al-Qawee), ang Walang Katumbas (al-'Ahad), ang Tagatanggap ng Pagsisisi (al-Tawwab), ang PinakaMahabagin (al-Raheem), Ang Walang-Hanggan (al-Hayy), Ang Tagapagtaguyod- (Al-Qayyoom), Ang Pinakamaalam (al-'Aleem), Ang Dumidinig (al-Samee '), Nag Nakakakita ng Lahat (al-Baseer), ang Nagpapatawad (al-'Afuww), Ang Nagbibigay ng Tulong (al-Naseer), at ang Tagapagpagaling ng Karamdaman (al-Shaafi '). Marami pang ibang mga pangalan na nabanggit sa Quran at Sunnah.

Ang lahat ng papuri at kaluwalhatian ay tanging sa Kanya para sa Kanyang lubos na pagiging perpekto at kamahalan.



Talababa:

[1] Ang pag-iral ng Diyos na napatunayan sa pagkakaroon ng isang kataastaasang Tagapagutos ay tinatawag na 'etikal' na argumento ng mga teologong taga-Kanluran.

Mga kagamitan para sa Aralin
Mahina Pinakamainam
Nabigo! Subukan ulit mamaya. Salamat sa iyong rating.
Mag-iwan sa amin ng feedback o Katanungan

Magkomento sa araling ito: Paniniwala sa Allah (bahagi 1 ng 2): Ang Mga Kategorya ng Tawheed

Ang mga patlang na minarkahan ng asterisk (*) ay nararapat punan.

Maaari ka ring magtanong sa live na chat sa pamamagitan dito.